Tuesday, November 22, 2005

Lundag

Hay, dyaske! Ang dami-dami ko pang gagawin! Pagod na pagod na ako, letse!

Pero masaya naman.

Sa paulit-ulit kong pagsasangguni sa mga tarot card, malimit sabihin ng mga ito na kailangan kong palayain ang aking sarili--na "lumundag sa bangin"-- kung nais kong umusad. Noong una'y hindi ko naintindihan nang lubos ang kahulugan nitong pagpapalaya. Anong ang bangin na tinutukoy ng mga ito? Habang tinatapos ko ang mga pahina para sa Graphic Classics, isinabay ko ang pagsasaliksik, pagdadasal, at pagninilay-nilay. Inungkat ko ang kailalim-laliman ng aking nakaraan upang makahanap ng mga dahilan at kasagutan. At, awa ng Diyos, nahawi ang misteryo. Lumitaw ang bangin sa aking harapan na pinapaligiran ng langit-bughaw, at sa aking pagdungaw ay nakita ko ang puting liwanag.

Siyempre, kabado. Kasi ngayon lang ako lumundag sa bangin. Sa diving board pa lang ako nakasubok ng paglundag mula sa mataas, noong bata pa ako't nagpapakagilas, at sumalpak ako sa tubig na parang sumirkong lasing. Nguni't pagdating sa bagong banging ito ako'y tumalon na rin--nandoon na ako, eh. Para que pa ang pagdadrama? Kaya sa ngayon, pakiramdam ko ang nabunutan ng tinik na kasing-laki ng poste ng Meralco, at habang nahihilom ang aking mga sugat ay unti-unti kong nababatid ang yamang pumapaligid sa akin.

Magmula noon, nag-iba na ang mga sinasabi ng mga tarot. Hindi na ako pinapalundag sa bangin.

At ngarag ako. 'Yung magandang klaseng ngarag.

Kapag kinakamusta ako ngayon, hindi ko na sinasabi ang "okey lang" o "okey naman." Tugon ko'y "okey ako." (O, kung isalin nati'y, "I'm okay." Kung minsan, "I'm doing great.") Ito'y bagama't walang lubhang nagbago sa buhay ko. Wala pa rin akong savings, wala pa rin akong kasintahan, hindi pa ako nananalo sa Lotto, at may dala-dala pa akong paghihinagpis nang slight. Eh, gano'n lang naman talaga, 'di ba? Pero I'm doing great pa rin. Sa ayaw ko't sa gusto, bihira na akong datnan ng bigat. Pati ako minsa'y 'di makapaniwala. Parang milagro.

Nang lumundag ako, para na rin akong lumipad.

3 comments:

Mark said...

I love it!!!

Jonas Diego said...

Yey! I'm happy that you're doing great! :)

Carver said...

Mark... heheh thanks. Sharpening the saw. :)

Jonas... Thanks! I'm happy, too.

LinkWithin

Blog Widget by LinkWithin