Nakapagtrabaho na ako sa ad agency, noong 1992, nguni't tatlong buwan lamang ang itinagal ko doon. 'Di pa ako gaanong marunong makipag-usap sa mga tao dahil inuunahan ako parati ng hiya, at siguro'y inakala ng mga kaempleyado ko na antipatiko ako. Umalis ako sa ahensya dahil nagasgas ang aking mga birheng tainga. Biro n'yo, ang isa sa mga unang sinabi sa akin ng bos ko no'n ay, "Nabinyagan ka na ba?" Nakakaiskandalo pa 'yon noon, lalu pa't bigkas ito ng bos mo sa unang araw ng 'yong pagtatrabaho. Nabigla ako't 'di nakasagot.

Fast-forawrd sa kasalukuyan. Katatapos lang ng unang linggo ng aking munting kontrata sa ahensyang pinagtatrabahuan ni Budjette, at ang masasabi ko lamang ay pinapawisan na ako. Que dugo, plema, pawis, laway... lahat na siguro ng likido ng katawa'y nadamay na. Sa tagal ng walang pang-araw-araw na hanapbuhay, tila 'di na ako sanay. Alas-diyes na ako nakaalis sa opisina kagabi. Kanina nama'y alas-diyes y medya. May nakabitin pa akong raket. Kulang na kulang ako sa tulog.

Nguni't 'di ako nagrereklamo. At ito'y 'di ko sinasabi dahil hanggang dalawang linggo lang ang kontrata ko sa ahensya. Natutuwa ako dahil marami akong natututunan doon, at lalu pa akong natutuwa dahil nagugustuhan ng kliyente ang mga ginagawa ko. Sa ibang panig naman, may raket pa akong darating, at nagpapasalamat ako sa mga kaibigan ko na umintindi at tumulong sa akin. Mabuti na lang at 'di pa ako tuluyang nauubusan ng powers, tenks God.

Comments

Ian said…
uuuy! You've finally redesigned your site! Hehehe, haven't been here in a while ;)
Anonymous said…
Hello. Blogger template lang 'to, eh. Wala pa akong maisip na blog design. Good luck bukas. :)

Popular posts from this blog

How To Pace Comics

What Would You Do With 11 Billion Pesos?

Two Weeks Since Burnout